Tuesday, July 29, 2008

Tabloid
by Jopy San Juan

Trese lang s’ya ng mapadpad sa lungsod. Walang pamilya, walang kakila-kilala at walang dalang pera ng matagpuan ang sariling nasa downtown na pala s’ya ng Bacolod. Ni minsan di pa s’ya naka-apak man lang sa malaking syudad. Puro kwento lang ang naririnig n’ya mula sa kababatang si Mitch na ang nanay ay Japayuke. Parati kasi yun sa Bacolod kaya maraming naikukwento sa kanya tungkol sa malalaking building at mall. Lumayas s’ya sa kanila ng mamatay ang ina. Lagi kasing binubugbog ng ama lasing man ito o hindi. Siguro, dahil na rin sa kakabugbug kaya bumigay na ang katawan ng ina.
Alas onse na ng gabi, oras na ng kanyang trabaho. Hahanapin n’ya muna si Rose, kung saan-saang computer shop na naman kasi ito tumambay. Binubugawan n’ya ito sa mga kustomer na nangangahas pumalaot sa animo’y dagat ng kasalanang public plaza ng malaking lungsod. Katulad n’ya,stow-away din si Rose. Iniluwal kasi ito mula sa isang ‘bawal na pag-ibig’ kaya walang magulang na gumagabay. Pareho kasing de Familia ang ama’t ina nito ng mabuo s’ya.
Marami nang nakatambay na bugaw sa paligid ng plaza ng mga oras na iyon. Nakabantay na animo’y mga lobong gutom at handing sumunggab sa maliligaw na tupa. Mabuti nga’t maluwag ang mga pulis ngayon. Di gaya ng dating halos ni anino nila’y bawal sa plaza.
Tinahak nito ang mabahong lansangang tinutulugan ng mga pulubi o sa mas magandang pangalan na mendicants. Di tulad niyang may pirmanenteng pwesto sa plaza, mas kawawa ang mga taong gala na kung umuula’y kumukubli lang sa bahaging di nababasa para makatulog.
Malapit na s’ya sa internet shop na parating tinatambayan ni Rose. Sumilip s’ya sa one-way mirror na dingding…wala si Rose. Baka sa kabila.
Tinungo n’ya ang kabilang internet shop na nasa bahaging kanan. Pumasok sa loob, luminga-linga…wala rin. Baka sa kabilang shop sa tabi ng sinehan.
Ilang hakbang na lang s’ya palapit sa ikatlong internet shop ng bumukas ang pinto nito at iniluwa si Rose.
Nag-chat pala ito sa mga kaibigang kano. Disisyete pa lang ito at uma-asang may maka chat na kanong handa s’yang gawing asawa. Mas bata si Rose sa kanya ng dalawang taon at marunong gumamit ng kumpyuter. Kung pwede lang sanang maghanap rin ng mapapangasawang amerikana matagal na rin nito sigurong sinubukan.
Nag-usap sila sandali ni Rose at magka holding-hands na binalikan ang plaza.
Wala pa silang pormal na relasyon pero parang sila nang dalawa. Kung sabagay, may pormal bang relasyon sa plaza?
Nang dumating sila, marami pang bugaw ang nandon at di pa nakaraket. Summer na kasi kaya wala masyadong kustomer, maliban na lang sa mga gurang na mahihilig pa ring pumick-up ng taga plaza.
Pinaupo n’ya si Rose sa gutter at pumuwesto na rin ito sa kanyang lugar bilang bugaw. Kung sa malayo titingnan, parang nag-uusap lang sila. Pero sa nakakaalam ng kalakalan, makukuha na nito ang ibig sabihin ng pwesto nilang dalawa.
Habang naghihintay, tinitingnan nito si Rose. Sa halos apat na taon na nilang magka-partner sa trabaho, ngayon lang nito napansin ang maamong mukha ng ibinubugaw. Di naman kasi lumaking mahirap si Rose, kaya lang walang paki-alam sa kanya ang mga magulang. Kaya’t sa halip na umasa pa sa mga iyon, sariling paraan nalang ito ng dalagita para buhayin ang sarili at makakain sa araw araw. Dahil na rin sa maamong mukha ng ka-partnet kung kaya’t di sila nawawalan ng customer gabi-gabi.
Ang napansin kaninang katangian ng katrabaho’y unti-unting nahulog sa paghanga…kakaibang paghanga.. Si Rose lang kasi ang may kakaibang kagandahan sa halos lahat ng mga kasamahan nilang plaza girls.
Napatingin ito sa kanya. Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib habang nakapako ang kanyang tingin sa mata ng dalagita. Ngumiti lamang si Rose.
Naputol ang mga sandaling iyon nang may pumaradang berdeng Nissan Sentra sa harap nila. Bumaba ang side mirror at dumungaw ang may edad nang lalaki. Linapitan n’ya at kinausap, sanlibu daw at isang oras lang. Nang lumingon s’ya kay Rose, kusang lumapit ito at sumabat na ok. Sumakay sa driver’s seat at suminyas sa kanyang umiikot ang hintuturong parang may hinahalong kape, na ang ibig sabihi’y babalik daw ito. Humarurot na ang kotse. Napako s’ya sa kinatatayuan habang tinitingnan ang papalayong awto. Hindi ang kanyang kumisyon ang iniisip n’ya sa mga sandaling iyon kundi si Rose. Ngayon lang n’ya naramdaman ang kabahan ng ganun at maawa sa kapartner.
Marami pang samot-saring damdamin ang dahan-dahang lumupig sa kanyang nararamdaman bilang kaibigan ni Rose, hanggang napa-upo nalang s’ya sa gutter. Hinitay nito ang pagbalik ng Dalagita.
Habang naka-upo at nag-iisa, puro si Rose lang ang ini-isip n’ya. Napapa-iling s’ya paminsan-minsan at pilit inaalis ito sa kanyang isip pero bigo pa rin dahil lalong sumisiksik ang kaanyuan ng dalagita sa kanyang utak.
Ang apat na taon nilang pagsasama bilang magkapartner na pokpok at bugaw ay nangangambang matapus. Hindi na s’ya bata para hindi maunawaan ang itinutulak na ideya ng kanyang isipan. Pero paano ang plano ni Rose na makapag-asawa ng amerikanong mayaman?
Hihintayin n’ya si Rose at kakausapin.
Lumipas ang isang oras pero wala pa si Rose. Baka humingi ng obertyam ang kustumer na s’ya naman parati na nangyayari. Sabi pa nga ni Rose, “basta may bayad bakit hindi?”
Pero di na ngayon. Dahil pagbalik ni Rose, aalukin na n’ya na magsasama na sila. Mahal naman s’ya siguro nito. Sa ilang beses na nilang pagtatalik, imposibling ni minsan di s’ya nito minahal. Maghahanap s’ya ng disenting trabaho para sa kanilang dalawa. Kahit konstraksyon okay lang basta hindi na n’ya papayagang maging pokpok pa ito.
Mag-aalas tres na wala pa si Rose. Nakatulog na tuloy s’ya sa kahihintay.
Kinaumagahan, marami nang taong abala sa kani-kanilang buhay-buhay ang nagisnan nito. Ang dalagita kaagad ang una nitong naalala. Pupungas-pungas pa ito habang hinahanap sa paligid si Rose. Wala pa sa pwesto nito ang kapartner.
Bumangon s’ya upang hanapin ito sa paligid.
Pero wala si Rose. Baka inumaga kasama ang kustumer.
Umupo s’ya sa tabi ng newsstand. Naghahanap sa paligid ang kanyang mga mata. Di naman kadalasan inuumaga ito ng pagbalik sa Plaza. Unti-unti na syang kinabahan. Baka may nangyari sa dalagita.
Pero pilit nitong inalis sa isipan ang bagay na iyon. Alam na ng dalagita ang gagawin sa mga sitwasyong bumabadya sa isipan nya.
Muling pumasok sa isipan nito ang gusto nyang magsasama nalang sila ng dalagita. Naisip pa n’ya na bakit pa kasi kay hirap ng buahy na tinatahak nila. Naaawa s’ya tuloy sa dalagita na naghihirap din sa buhay nila sa plaza. Sa isip n’ya, din a ngayon kung papayagan lang siya nitong magsama na sila. Dahil handa s’yang gawin ang lahat para mabago ang nakasanayan na nilang napakahirap na buhay sa plaza.
Lumingan-linga ito sa paligid baka paparating na it. Nahapit ng kanyang tingin ang headline ng isang local na tabloid na nilaladlad ng katabi nyang matanda: Babae kinatay sa banyo!
Kinilabutan s’ya sa nakahandusay na ayos ng babae sa larawan. Nakahubad at nakasampa sa toilet bowl ang dibdib at mukha nito. Naliligo sa kanyang dugo at halos di na makilala.
Kusang bumaba sa ilalim na bahagi ng baywang ng hubad na babae sa larawan ang kanyang mga mata, may hinahanap na pagkakilanlan. Biglang tumigil ang kanyang mundo nang may nakita itong pangalan sa bahaging ‘yon. Parang biglang tumahimik at tumigid ang lahat ng bagay sa paligid n’ya nga mapagtanto ang nakita. Hindi s’ya maaaring magkamali, kilala n’ya ang babae sa larawan.
May palatandaang alam na alam n’ya. May nakatattong pangalang Roldan at Rose sa loob ng puso sa bahaging iyon ng katawan ng babae sa larawan na s’ya mismo ang nag-tattoo.
***